Iginiit ng Makabayan bloc sa Kamara na nananatili pa ring umiiral sa taunang budget ng pamahalaan ang pork barrel ng mga kongresista.
Ayon kina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, iniba lamang ang pangalan at istilo nito pero pork barrel pa rin ang kahulugan dahil ang mga kongresista pa rin ang nagtatakda ng proyekto at halaga para sa kanilang mga distrito.
Mariin namng pinabulaanan ng Makabayan bloc na kabilang sila sa 24 na mga kongresista na inalisan ng pondo para sa infrastructure projects sa 2018.
Ayon kina Zarate at Tinio, noon pa man ay wala naman silang hinihiling na budget sa anumang proyekto sapagkat wala namang distrito na hinahawakan ang mga partylist congressmen.
Paliwanag ng mga ito na sila sa Makabayan bloc ay ibinoboto ng taumbayan dahil sa kanilang mga adbokasiya at ipinaglalabang karapatan at hindi dahil sa mga ipinangakong proyekto.