QCPD handang humarap sa imbestigasyon kaugnay sa “Davao Boys” sa station 6
Hindi itinatanggi ni Quezon City Police District Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na may mga operasyon ang QCPD station 6 na nauuwi sa engkwentro at pagkasawi ng mga target na suspek.
Reaksyon ito ni Eleazar sa ulat ng Reuters na mayroong “Davao Boys” sa station 6 na binubuo ng mga pulis na galing sa Davao City at maraming napapatay na drug suspects sa lugar na sakop ng nasabing istasyon ng pulisya.
Ani Eleazar, maituturing na “challenging” na lugar ang mga barangay na nasasakupan ng station 6 o Batasan police station.
Bagaman anim na barangay lang aniya ang sakop ng station 6 kabilang mga Barangay Batasan Hills, Payatas, Bangong Silangan, Commonwealth, Holy Spirit at Old Balara ay maituturing ang mga ito na malalaking barangay.
Sa anim na barangay din aniya matatagpuan ang maraming depressed areas sa lungsod na pinamumugaran ng mga gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga.
Sinabi ni Eleazar na bagaman totoong maraming isinagawang operasyon ang mga pulis ng station 6 na nauwi sa engkwentro at ikinasawi ng mga suspek, base sa kanilang datos ay marami din namang napasuko at nahuling suspects.
“Marami ring depressed areas na pinamumugaran ng mga gumagamit ng ilegal na droga. Marami ding sumuko diyan, maraming nahuli, at totoong maraming operasyon na nagresulta sa armed encounters at may mga nasawi,” ani Eleazar.
Ani Eleazar, handa naman ang station 6 ng QCPD na harapin ang mga alegasyon at sumagot sa anomang imbestigasyon upang patunayan na lehitimo ang lahat ng kanilang isinasagawang operasyon.
Sa ulat ng Reuters, ang mga miyembro umano ng “Davao Boys” ang nasa likod ng pagkasawi ng 62 katao sa anti-drug war sa lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.