Peace talks, hindi maapektuhan ng pagsasampa ng kaso sa mga MILF
Kumpiyansa si Justice Secretary Leila De Lima na walang magiging epekto sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation front o MILF ang isinampang reklamo sa DOJ Laban sa mga miyembro ng MILF kaugnay ng Mamasapano encounter.
Ayon kay De Lima, batid niyang naiintindihan ng MILF ang proseso na kailangang pagdaanan.
Kinumpirma rin ni De Lima na dumaan din ang report ng NBI-National Prosecution Service Special Investigating Team kay Pangulong Aquino.
Naging malinaw naman aniya sa Pangulo na dumaan sa proseso ang pagsisiyasat at nauunawaan niya na kailangang may managot sa insidente.
Ipinaliwanag naman ni De Lima na noon pang mahigit isang buwan ay handa na ang investigating team na ihain ang kaso pero minarapat na bigyang daan muna ang sinasabing ‘alternative version’ ng insidente.
Pero sa huli, inabandona ng investigating team ang alternative version at nakakuha na rin sila ng clearance sa Pangulo para maihain ang reklamo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.