Dalawa sa tatlong mga namatay sa nadiskaril na Amtrak train ay pawang mga train travel advocates ayon sa inilabas na pahayag ng Rail Passengers Association.
Kinilala ang dalawa sa tatlong mga fatalities na sina Jim Hamre at Zack Willhoite na pawang mga kasapi sa All Aboard Washington.
Sa paunang ulat ng National Transportation Safety Board (NTSB), umaabot sa 86 pasahero ang sakay ng Amtrak Cascades 501 na madiskaril ito malapit sa pakurbang bahagi ng riles.
Nangyari ang aksidente 7:40 ng umaga, oras sa Washington sa may bahagi ng DuPont na may layong 20 milya sa Tacoma District.
Lampas din umano ng 50 miles per hour sa speed limit ang takbo ng nasabing tren ng ito ay bumagtas sa pakurbang riles na siyang dahilan para kumalas sa rail track ang labing tatlong bagon ng Amtrak.
Sinabi ni NTSB member Bella Dinh-Zarr na umaabot sa 80 mph ang takbo ng nadiskaril na tren samantalang dapat ay nasa 30 mph lamang ang bilis nito sa nasabing bahagi ng Tacoma district.
Posible umanong na-distract ang train engineer na kanilang iniimbestigahan sa kasalukuyan.
Dahil sa nasabing insidente ay umaabot sa mahigit sa 100 ang nasugatan na ngayon ay ginagamot sa ilang mga ospital.
Sinusuri na rin ng mga otoridad ang data recorder ng nasabing tren para sa mga dagdag na impormasyon kaugnay sa naganap na trahedya.