Pursuit operations, ikinasa laban sa mga dumukot sa 4 katao sa Samal Island
Binuhusan na ng puwersa ng militar ang pagtugis sa grupong responsable sa pagdukot sa tatlong banyaga at isang Filipina sa Samal Island, Davao del Norte kagabi.
Ayon kay Lt.General Aurelio Balalad, Commander ng AFP Eastern Mindanao Command, ginagamit na nila ang kanilang gunboats, helicopters at naval vessels sa isinasagawang pursuit operations.
Aniya, pinagana na rin nila ang kanilang intelligence units bilang suporta sa PNP na tumatayong lead agency sa panibagong insidenteng ito ng pagdukot.
Inamin din ni Balalad na hindi pa masasabi kung mga miyembro ng Abu Sayyaf Group ang mga dumukot sa dalawang Canadian, isang Norwegian at isang Filipina mula sa Oceanview resort.
“Yes we acknowledge yung previous experiences noong 2001 kung kailan nag-attempt ang mga Abu Sayyaf na i-raid ang Samal. But up to now wala kami indicators na ganun nga, we can not specifically state kung anong grupo.” Pahayag ni Balalad.
Base din aniya sa mga inisyal na testimoniya na kanilang nakuha, marunong magsalita ng Ingles at bihasa din sa wikang Filipino ang mga suspek.
Nabatid din na dalawang turistang Hapon ang tinangka din dukutin ngunit pumalag ang mga ito kaya’t hindi sila nabihag at naalerto ng kanilang komosyon ang iba pang mga turista sa resort.
Nilinaw din nito na patungo sa direksyon ng silangan ang mga tumakas na suspek at hindi sa timog, kung saan ang direksyon ay papunta sa Sulu o Basilan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.