Drug suspek arestado sa tangkang pagpasok ng ecstasy, cocaine at shabu sa LRT
Arestado ang isang lalaki matapos itong mahulihan ng iligal na droga nang ito ay papasakay sana sa LRT 2, Araneta Cubao station.
Kinilala ang suspek na si Adiv Zimran Santiago, dalawamput isang taong gulang na residente ng Barangay San Roque sa Cubao at sinasabing estudyante sa isang kilalang unibersidad sa Maynila.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7, nasa entrada ng LRT 2 Araneta Cubao Station si Santiago at papasakay sana sa LRT.
Ngunit nang kapkapan at buksan ang kanyang bag ay nakita ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga.
Nang mapansing nakita ito ng security guard ay agad na tumakas ang suspek. Hinabol ng gwardya si Santiago at nahuli ito sa kalapit lamang na mall.
Nakumpiska mula dito ang apat na sachet ng marijuana, isang sachet na naglalaman ng anim na tableta ng ecstacy, isang sachet ng cocaine, isang sachet na naglalaman ng dilaw na powder na hinihinalang iligal na droga, isang bote ng liquid ecstacy, at tatlong bote na may bakas ng liquid ecstacy, mga drug paraphernalia, at ₱51, 920 na cash.
Sinasabing ireremit dapat ni Santiago ang pera sa kanyang supplier nang ito ay mahuli.
Kasalukuyang nakaditine ang suspek sa himpilan ng QCPD Station 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.