Pinakakasuhan ng smuggling ni Senador Francis Escudero sa Bureau of Customs si dating Land Transportation Office Chief Virginia Torres dahil sa tangkang pagpapa-release ng mahigit isandaang milyong pisong halaga ng smuggled na asukal na galing ng Thailand.
Ayon kay Escudero, kung nais ipakita ng administrasyon ng Pangulong Benigno Aquino III na seryoso ito na labanan ang smuggling sa bansa dapat na kasuhan si Torres.
Si Torres ay kilalang kaibigan at kabarilan ng Pangulong Aquino.
Sa panig ni Senate President Franklin Drilon, sinabi nito na kalokohan ang naglabasang balita na gagamitin umano ang mahigit isandaang milyong pisong halaga ng smuggled na asukal para maging campaign funds ng kandidatura ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Ayon kay Drilon, maaring inililigtas na lamang ni Torres ang sarili kung kaya idinadawit ang LP.
“Kalokohan yan, there is absolutely no basis, and they are just lying, they are trying to save their neck,” giit ni Drilon
Dapat din aniyang palalimin pa ni BOC commissioner Bert Lina ang imbestigasyon ukol sa pagkakasangkot ni Torres.