Iaanunsyo na ni Liberal Party Standard Bearer Mar Roxas sa susunod na linggo kung sino ang kanyang magiging running mate para sa 2016 Elections.
Ayon kay LP Chairman for Political and Electoral Affairs at Caloocan City Rep. Edgar Erice, ihahayag na ni Roxas ang kanyang kandidato sa Bise Presidente sa September 28, sa Club Filipino.
Nagpasa aniya ang LP National Capital Region o NCR officers ng isang resolusyon para i-nominate si Roxas bilang Pangulo ng National Executive Council o NEC upang magkaroon siya ng kapangyarihan na pumili ng Vice Presidentiable.
Nauna nang kinumpirma ni Roxas na inalok na niya si Camarines Sur Rep. Leni Robredo para maging kanyang VP, habang nasa listahan din ng pagpipilian sina Senador Alan Peter Cayetano at Batangas Governor Vilma Santos.
Bukod naman sa makakatambal, sinabi ni Erice na idedeklara na rin ni Roxas ang senatorial line-up ng partido Liberal.
Blangko naman si Erice kung sino-sino ang mga napasama sa mga kandidato sa pagka-Senador ng LP, pero tiyak daw na mahuhusay ang mga ito lalo’t sumalang sa selection process ng NEC ng partido.
Sa ngayon, ang mga maugong na Senatoriables ng LP ay sina Senate President Franklin Drilon, Senators Ralph Recto, TG Guingona at dating Senador Kiko Pangilinan.