Ayon sa ulat mula sa Pierce County sheriff’s department, nasa 6 na ang kumpirmadong nasawi samantalang mahigit 40 pa ang sugatan at ginagamot sa ospital.
Sa kabuuan, may 78 pasahero at limang crew ang Amtrak train No. 501 nang madiskaril.
Bumibiyahe umano ang tren ng nasa higit 100 kilometers per hour nang mapansin ng ilang pasahero ang panginginig nito na sinundan ng biglaang pagkadiskaril sa southbound railway bago bumagsak sa Interstate-5 highway.
Napag-alaman na bago pa lamang ang ruta na dinadaanan ng Train No. 501 na nag-uugnay sa Seattle at Portland.
Bahagi ang bagong ruta ng Point Defiance Bypass Project na nasa ilalim ng 800 million dollar Cascades High-Speed Rail Capital Program.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng National Transportation Safety Board (NTSB) ng Amerika ang dahilan ng aksidente.