Nasawi ang isang pulis habang isa pa niyang kasamahan ay nasugatan dahil sa pakikipaghabulan sa mga drug suspects na kanilang tinutugis sa Caniogan, Pasig City.
Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na nasawi si PO3 Wilfredo Gueta matapos siyang tamaan nang dalawang beses sa dibdib.
Nakilala naman ang sugatan niyang kasamahan na si PO1 Raymond Dela Cruz, habang kumpirmadong patay din ang suspek na si Roberto Lianugo dahil sa mga natamo niyang tama ng bala sa katawan.
Nagtungo Lunes ng tanghali ang mga pulis ng Pasig City sa Katarungan Street upang beripikahin ang mga pagkakakilanlan ng mga hinihinalang gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga sa nasabing lugar.
Gayunman, tinakbuhan ni Liaguno si Gueta at iba pang mga pulis na hinabol siya hanggang sa nakarating ang suspek sa kaniyang tahanan.
Nang makapasok ito sa kanilang bahay, doon na nagsimulang paputukan ni Liaguno ang mga pulis na humabol sa kaniya partikular si Gueta na nasa likod lang niya.
Nagawa namang makipagpalitan ng putok ni Dela Cruz kay Liaguno at sa isa pang suspek, dahilan para magtamo ng mga tama ng bala sa katawan si Liaguno.
Nagawa pang maisugod sa Rizal Medical Center sina Gueta at Dela Cruz, ngunit hindi na kinaya ni Gueta at idineklara siyang patay pasado alas-dos ng hapon.
Idineklara namang dead on arrival naman si Liaguno.
Dalawang sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia ang nasabat ng mga pulis sa criume scene.