2 photocopy centers sa Cavite, ni-raid dahil sa pekeng law books; Bar-passer arestado

 

“Sino bang hindi nag-violate ng law? … pana-panahon din ‘di ba?”

Ito ang matapang na pahayag ng isang bar passer nang salakayin ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) ang kanyang bahay sa Silang, Cavite matapos mapag-alaman na ginagawa nitong negosyo ang pagbebenta ng mga pekeng law books.

Batay sa dalawang buwang imbestigasyon ng private investigative company na IP2 Manila Associates, ginagamit ni Edgar Dizon alyas Dom Santos ang social media sa pagbebenta nito ng mga pekeng law books.

Sa mga transaksyon ni Dizon sa mga imbestigador, hindi ito pumapayag na makipagkita sa mga ito sa tuwing bibili ng tinatawag na book-a-like. Sa halip ay ipinadadala ito ni Dizon sa pamamagitan ng courier services at idinideposito naman sa kanyang personal na bank account ang bayad para sa mga libro.

Maging sa loob ng sasakyan ni Dizon ay nakakita ang NBI ng mga book-a-like.

Sa pagsalakay ng NBI sa bahay at sasakyan ni Dizon, nakumpiska mula dito limang law books, siyam na photocopy ng mga book cover ng law books, tatlong record book na naglalaman ng mga pangalan at detalye ng kanyang mga katransaksyon, isang supplier’s book, at dalawang bundle ng mga resibo.

Hindi naman na itinanggi ni Dizon ang pagbebenta ng mga book-a-like.

Aniya, handa naman siyang makipag-usap sa kumpanya na gumawa ng law books para magkaroon sila ng settlement.

Samantala, kasabay ng pagsalakay sa bahay ni Dizon ay sinalakay rin ng NBI ang Sha-I Copy Center sa Tagaytay, Cavite.

Sa mga surveillance activity na ginawa ng mga imbestigador ng IP2 Manila at NBI ay dito nila na-obserbahang personal na nagpapagawa ng book-a-like si Dizon.

Nakumpiska mula sa naturang photocopy center ang dalawang photocopy machines, apat na orihinal na law books, at tatlong pekeng law books.

Sinalakay rin ng mga otoridad ang isa pang branch ng Sha-I Copy Center na nasa Dasmariñas, Cavite.

Napagalaman na ang naturang photocopy center ay gumagawa rin ng mga book-a-likes at maaaring direktang bumili ng pekeng law books mula dito.

Nakumpiska mula dito ang apat na mga photocopy machines, labingpitong pekeng law books, at isang box na naglalaman ng photocopy ng mga book cover ng law books.

Paalala ng NBI-IPRD sa publiko, labag sa batas ang pagpapa-photocopy ng mga libro.

Mahaharap si Dizon sa kasong paglabag sa Copyright Infringement law ng Intellectual Property Code of the Philippines, habang iimbestigahan pa ng NBI kung makakasuhan rin ang may-ari ng Sha-I Copy Center at mga kliyente ni Dizon.

 

Read more...