Bagyong Urduja humina pero isa pang sama ng panahon tinututukan ng PAGASA

PAGASA

Tuluyan nang humina ang bagyong Urduja habang unti-unti na itong lumalabas sa Philippine Area of Responsibility.

Sa 4:00 PM weather bulletin na inilabas ng PAGASA, ang bagyong Urduja ay huling namataan sa layong 115 kilometers Hilagang-Silangan ng Puerto Princesa City sa Palawan.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na 45 kilometro bawat oras at gustiness o pagbugso na umaabot sa 60 km/h.

Patuloy nitong tinatahak ang direksyong patungong Kanluran sa bilis na 18 km/h.

Kapag hindi nagbago ang kanyang bilis at direksyon, sinabi ng PAGASA na bukas ng hapon ay inaasahang tuluyan na itong makalalabas sa Philippine Area of Responsibility.

Samantala, isa pang sama ng panahon ang binabantayan ng PAGASA sa silangang bahagi ng bansa.

Inaasahan na lalakas ang nasabing low pressure area dahil nasa gitna pa ito ng karagatan sa kasalukuyan.

Kapag tuluyang nakapasok sa bansa ang nasabing weather disturbance ito ay tatawaging bagyong Vinta.

Inaasahan na papasok ito sa Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng hapon at inaasahang magdadala ng mga pag-ulan sa araw ng Lunes kapag hindi nagbago ang kanyang bilis at direksyon.

Read more...