Duterte nasa Biliran para pangunahan ang pagtulong sa mga sinalanta ng bagyo
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang aerial inspection sa mga lugar na pininsala ng bagyong Urduja sa lalawigan ng Biliran.
Sa bayan ng Naval ay sinalubong ang pangulo ng ilang miyembro ng kanyang gabinete para magbigay ng kani-kanilang ulat sa pangulo.
Nauna nang sinabi sa isang pulong balitaan kaninang hapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na umakyat na sa 31 ang bilang mga kumpirmadong patay sa pananalasa ng bagyo sa Biliran, Tacloban City, Eastern Samar, Samar at Leyte.
Umakyat naman sa 49 ang bilang ng mga nawawala dulot ng nasabing bagyo na nagresulta ng pagbabaha at landslides sa ilang mga lugar sa Eastern Visayas.
Sinabi ni Agriculture Sec. Manny Piñol na naglabas na rin ng ayuda ang kanyang tanggapan para alalayan ang mga mangingisda at magsasakang naapektuhan ng bagyo.
Nauna na ring iniulat ng mga opisyal ng Department of Health at ng Department of Social Welfare and Development na patuloy ang pagbibigay nila ng ayuda sa mga sinalanta ng kalamidad.
Inatasan na rin ng pangulo an mga ahensya ng pamahalaan na manatiling naka-alerto dahil sa inaasahang pagpasok ng isa pang bagyo sa linggong ito makalipas ang pananalasa ng bagyong Urduja.
Kapag tuluyan nang nakapasok sa Philippine Area of Responsibility ang nasabing sama ng panahon ito ay tatawaging bagyong Vinta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.