Humingi na ng tulong sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang matandang taxi driver na nakita sa nagviral na video na sinampal ng isang babae dahil sa away trapiko sa Congressional Avenue, Quezon City.
Nagtungo ang taxi driver na nakilalang si Virgilio Doktor sa LTFRB para magsumite ng kanyang affidavit.
Ayon kay Doktor, posibleng nagalit sa kanya ang babaeng motorista dahil binusinahan niya ito at inovertake-an.
Pero aniya, nagawa lamang niya ito dahil binubusinahan na din siya ng isang FX na nasa kanyang likuran.
Kahapon, isang video na pinost ng isang Joshua Baluyot ang nagviral sa social media dahil sa pananakit ng isang babae sa nasabing taxi driver.
Makikita sa video na pinabababa ng babae si Doktor sa kanyang sasakyan.
Pero nang buksan ng taxi driver ang kanyang pintuan, ay bigla na lamang siyang sinampal ng babae sa mukha.
Matapos nito ay nagpatuloy sa pagbaba si Doktor sa kanyang taxi hawak ang kanyang pisngi habang tila dumadaing dahil sa sakit na naramdaman bunsod ng pananampal.
Inaalam na ngayon ng LTFRB kung saan matatagpuan ang babaeng nanampal sa taxi driver para makuhanan ng pahayag.