Bahagyang humina ang bagyong Urduja matapos nitong tawirin ang mga probinsya ng Samar.
Kasalukuyan na itong nasa Mobo, Masbate at mayroong lakas ng hangin na 55kph malapit sa gitna, at pagbugsong aabot naman sa 90kph.
Gumagalaw ang naturang bagyo sa bilis na 15kph sa direksyon ng kanluran, timogkanluran.
Asahan na ang kalat-kalat na mga pag-ulan sa katimugang Quezon, Batangas, Mindoro Provinces, Marinduque, Romblon, at hilagang Palawan kabilang ang Cuyo at Calamian Group of Islands.
Humina naman ang mga pag-ulan na nararanasan sa Bicol region at nalalabing bahagi ng Visayas.
Bagaman humina na ang dalang ulan ng naturang bagyo ay inaabisuhan ng PAGASA ang mga residente na maging handa sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa kanilang mga kinaroroonan.
Nakataas ang tropical cyclone warning signal number 1 sa mga sumusunod na lugar:
– Katimugang bahagi ng Occidental Mindoro
– Katimugang bahagi ng Oriental Mindoro
– Romblon
– Sorsogon
– Masbate kabilang ang Burias at Ticao Islands
– Hilagang bahagi ng Palawan kabilang ang Cuyo at Calamian Group of Islands
Ayon sa weather bureau, hindi pa rin maaaring maglayag ang anumang sasakyang pandagat.
Inaasahang tuluyang lalabas ng Philippine Area of Responbility (PAR) ang bagyong Urduja sa araw ng Miyerkules.
Samantala, nasa labas pa rin ng PAR ang tropical depression na binabantayan ng PAGASA.
Ito ay nasa layong 1,990km ng silangan ng Mindanao at may hanging 40kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 50kph.