Mga sundalo naghahanda na sa posibleng pag-atake ng NPA sa kanilang anibersaryo
Naghahanda na ang mga sundalo na nasa mga probinsya ng Pangasinan, Nueva Vizcaya, at Nueva Ecija sa posibleng pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa ika-49 na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa December 26.
Ayon kay Lieutenant Colonel George Bergonia, commanding officer ng 84th Infantry Battalion sa San Jose City, Nueva Ecija, bagaman nagtatago ang mga NPA kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga armadong komunista bilang mga terorista, ay hindi malayong maglunsad pa rin ang mga ito ng pag-atake para sa anibersaryo ng CPP.
Ayon pa kay Bergonia, mayroong dalawang grupo ng NPA na dating nasa bulubundukin ng Caraballo.
Isa sa mga ito ang nag-o-operate sa silangang Pangasinan. Namataan ang mga miyembro nito sa liblib na barangay sa bayan ng Umingan, San Quintin, Natividad, at San Nicolas.
Ngunit matapos mapatay ang siyam sa mga miyembro nito, kabilang ang kanilang pinuno na si Joe Managan alyas Ka Razul, ay nabuwag na ang naturang grupo.
Nabuo ang CPP noong December 26, 1968 sa isang liblib na barangay sa Alaminos City, Pangasinan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.