Operasyon ng Tacloban Airport, balik-normal na ngayong araw
Balik na sa normal na operasyon ngayong araw ang Tacloban Airport matapos itong suspindihin dahil sa pananalasa sa lugar ng bagyong Urduja.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), alas singko ng umaga magsisimula ulit ang operasyon ng naturang paliparan.
Paliwanag ng kagawaran, kinansela ang operasyon ng Tacloban Airport bandang tanghali noong Biyernes dahil sa mga natumbang puno na nakahambalang sa access road ng paliparan.
Bukod pa ito sa ilang mga cyclone fence na tumagilid at sumira sa ilang pasilidad ng gusali.
Para sa pagbabalik-operasyon ng paliparan, inayos ng airport personnel ang kisame ng terminal at naglagay sila ng floodlights sa parking area nito.
Samantala, inanunsyo rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bagaman mayroong mga minor damage sa mga paliparan sa Region 8 ay operational pa rin ang mga ito.
Kabilang dito ang mga paliparan sa Calbayog, Catarman, Catbalogan, Borongan, Guiuan, Biliran, Ormoc, Maasin, at Hilongos.
Nagpasalamat si CAAP Director General Jom Sydiongco sa Philippine Air Force at Army sa pagtulong nito sa pagtatanggal ng mga nakakalat na debris, dala pa rin ng masamang panahon. Aniya, napabilis ang pagsasaayos ng mga paliparan dahil sa tulong ng Air Force at Army.
Tumulong rin ang militar sa pagsasaayos ng cyclone fences ng mga naturang paliparan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.