Bagyong “Urduja” bahagyang lumakas at bumilis habang papalapit sa Samar

Lumakas nang kaunti ang bagyong “Urduja” habang patuloy na kumikilos patungong Samar.

Sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, huli itong namataan sa 180 kilometers East Northeast ng Borongan City, Eastern Samar.

May taglay nang lakas ng hangin na aabot sa 80 kilometers per hour at 95 kilometers per hour na pagbugso ang Urduja.

Bumilis na rin ang pagkilos ng bagyo sa 10 kilometers per hour patungo sa direksyon West Northwest.

Nakataas pa rin ang tropical cyclone signal number 2 sa Sorsogon, Masbate kabilang ang Burias at Ticao Islands, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran at Leyte.

Samantala, itinaas naman na ang signal number 1 sa Southern Quezon, Marinduque, Romblon, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur at Albay.

Gayundin sa Southern Leyte, Cebu, Capiz, Aklan, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Northern Negros Oriental at Northern Bohol, pati na ang Dinagat Islands.

Ayon pa sa PAGASA, posibleng mag-taas ng signal number 1 sa mga lalawigan sa Mindoro at Cuyo Islands sa loob ng susunod na anim na oras.

Ngayong araw inaasahang tatama sa lupain ng Northern Samar-Eastern Samar ang bagyong Urduja.

Read more...