Hindi na muna inalintana ni Supreme Court Justice Maria Lourdes Sereno ang mga ipinupukol sa kaniyang batikos.
Nakisaya at nakipagsayawan si Sereno sa idinaos na Christmas party sa Korte Suprema kasama ang mga empleyado ng korte.
Pero kapansin-pansin na maliban kay Sereno, tatlong associate justices lang ng Supreme Court ang dumalo sa pagdiriwang.
Ito ay sina Associate Justices Estela Perlas-Bernabe, Mariano Castillo at Diosdado Peralta.
Nakipagsayawan si Sereno sa mga kapwa mahistrado na sina Bernabe at Castillo kasama si Philippine Judicial Academy Chancellor Adolf Azcuna sa saliw ng awiting “Tie a Yellow Ribbon”.
Habang inaawit naman ng banda ang “La Bamba” sumayaw din si Sereno kasama si Bernabe at nilapitan ang mga empleyado ng Mataas na Hukuman.
Samantala, sa kaniyang mensahe sa mga opisyal at empleyado ng SC binanggit nito ang mga repormang ipinatutupad sa hudikatura.
Marami na aniyang kailangang ipagmalaki sa ngayon ang sangay ng hudikatura at umaasa siyang susunod dito ang buong justice sector.