Pinawi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangamba na baka mauwi sa human rights violation ang 1-year extension ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay AFP Chief General Rey Guerrero, professional ang kanilang hanay sa pagganap ng kanilang tungkulin at kanilang inaako ang mga pananagutan sa kanilang aksyon.
Ani Guerrero, katulad nang unang ideklara ang martial law at i-extend ito, batid nila na muling mabubuhay ang usapin tungkol sa human rights abuse.
Pero, tinitiyak naman umano ng AFP na tumatalima sila sa batas na magbigay proteksyon sa mga tao at naisusulong ang kapayapaan sa Mindanao.
Kasunod nito, sinabi rin ng hepe ng AFP na mas mainam kung makipatulungan na lamang ang mga sibilyan sa Mindanao sa pagbabahagi ng kanilang nalamaman kung may kahinahinala nga ba at banta sa kanilang komunidad nang sa gayon ay mas makatalima sila sa mandato ng Martial Law.
Nanawagan din sya sa mga ito na sumunod sa umiiral na batas at huwag gumawa ng mga bagay na maaring mag ugnay sa kanila sa terorismo.
Matatandaang nito lamang ay pinagbigyan ang hiling ng pangulo na dagdag isang taon sa pagpapatupad ng martial law para mas mapabilis ang rehabilitasyon ng Marawi at matiyak na hindi na kakalat pa ang terorismo sa lugar.