Tatlo ang patay sa sunog sa Quiapo Maynila

Kuha ni Jan Escosio

Tatlong katao ang nasawi sa sunog na naganap sa Quiapo, Maynila.

Tinupok ng apoy ang Lumandas Printing Services na nasa Recto Avenue, at hindi na nagawang makalabas ng tatlong empleyado nito na natulog sa loob.

Kabilang sa mga nasawi si Joel Iba, 50 anyos na dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Hospital; Benjie Solis, 27 anyos na isang PWD at si Ronald Obiedo, 49 anyos.

Ayon kay Renato Galicia, ang may-ari ng nasabing printing shop, nagdaos sila ng Christmas party kagabi at nagkasiyahan at nag-inuman ang mga empleyado.

Dahil sa labis na kalasingan, sa loob na ng printing shop nagpalipas ng gabi ang tatlo.

Aminado naman si Galicia na lasing na lasing ang tatlo at marami rin sa mga empleyadong nakisaya sa Christmas party ang nanigarilyo habang nagkakasiyahan.

Maliban sa sigarilyo na maaring pinagmulan ng sunog, tinitignan ding dahilan ang videoke machine na nakatulugan ng tatlo na nakabukas.

Nadamay din sa sunog ang katabi ng printing shop na isa namang internet shop.

Pasado alas 4:00 ng umaga nang magsimula ang sunog at naideklarang fire out alas 5:10 ng umaga.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...