Ayon kay AFP public affairs office chief Col. Edgard Arevalo, hinihinalang kabilang ang dalawa sa isang grupo na nanghihingi ng pondo para sa mga sundalo at beterano.
Ngunit ani Arevalo, nauuwi sa pangba-blackmail ang simpleng panghihingi ng pera sa kanilang mga biktima upang mapilit ang mga ito na ibigay ang kanilang mga gusto.
Modus operandi na aniya ng mga ito ang magpadala ng solicitation letter o kaya ay magbebenta ng ticket, pagkatapos ay sasabihin na may nalalaman silang anomalya o sikreto na kanilang ibubunyag.
Nagkasa na sila ng imbestigasyon matapos magreklamo ang nasa 20 residente ng Negros Oriental at Cebu laban sa mga ito.
Nagresulta na rin ito sa paghahain ng kasong syndicated estafa at robbery extortion laban sa walong sibilyan.
Samantala, bagaman hindi na tinukoy ni Arevalo ang pagkakakilanlan ng dalawa, tiniyak niyang hindi nila kukunsintehin ang ganitong maling gawain ng mga sundalo.
Dahil dito, binalaan din ni Arevalo ang mga pasaway na sundalong sangkot sa mga iligal na gawain dahil hindi aniya nila hahayaang dungisan ng mga ito ang pangalan ng AFP.