Malakas ang paniniwala ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison na ang pagpapalawig ng martial law at suspensyon ng writ of habeas corpus sa Mindanao ay para talaga sa pagtugis sa mga rebelde.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Sison na isa itong malinaw na indikasyon ng pagsisimula ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unti-unting pagpapatupad ng martial law sa buong bansa.
Layunin aniya ng “US-Duterte regime” ay wasakin ang CPP at New People’s Army (NPA) bago matapos ang 2018 sa pamamagitan ng concentrated attacks sa mga guerilla fronts sa Luzon at Visayas kapag pinalawig sa buong bansa ang martial law.
Ipinunto rin ni Sison na pinangalanan ni Duterte na terrorist organization ang NPA kasunod ng pagkansela niya sa peace talks kung kelan mas mabilis na ang pag-usad ng negosasyon.
Nagbabala rin si Sison sa tiyak na lalong dadami ang kaso ng kagimbal-gimbal at sistematikong mga paglabag sa karapatang pantao sa kasagsagan ng extension ng martial law sa Mindanao.
Samantala, sinabi rin ng CPP founder na hindi lang sila ang haharapin ng administrasyon ni Duterte kaugnay ng paglabag sa mga karapatang pantao, kundi pati ang mga nagkakaisang samahan na hindi masaya sa kaniyang panunungkulan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.