Poe at Roxas, ikinagalak ang resulta ng bagong survey

grace-marLubos na ikinagalak nina Sen. Grace Poe at dating Interior Secretary Mar Roxas ang pinakahuling resulta ng Social Weather Station (SWS) survey dahil sila ngayon ang nasa dalawang pinakamataas na posisyon sa listahang nagpapakita kung sino ang nais iluklok ng mga mamamayan bilang susunod na pangulo.

Ang nasabing SWS survey ay isinagawa sa 1,200 katao sa buong bansa noong Sept. 2 – 5, at lumabas na 47% sa mga repondents ang pumili kay Poe na maging susunod na pangulo, samantalang 39% naman ang pumili kay Roxas at 35% kay Vice President Jejomar Binay.

Tumaas ng 5 puntos ang porsyento ng mga pumili kay Poe kung ikukumpara sa 42% niya noong June. 18 puntos naman ang inakyat ni Roxas mula sa dating 21%, samantalang si Binay ay halos hindi umusad mula sa dating 34%.

Malugod na nagpasalamat si Poe sa kaniyang mga taga-suporta para sa patuloy na paniniwala sa kaniya at sa uri ng pamamahala na kanilang isinusulong.

Ito aniya ay isang senyales na tama ang kanilang sinimulan at na pareho ang kanilang mga mithiin na makamit ang “transparency, efficiency and honesty” sa mga nais mangyari ng mga mamamayan.

Nagpasalamat rin si Roxas sa mga taong sumusuporta sa kaniya at sa pagtataguyod ng “daang matuwid”, at aniya, ang pagtaas ng rating niya sa survey ay nagkakahulugang nananalig ang mga mamamayan sa kaniyang kakayahan na protektahan ang bayan.

Samantala para naman kay Binay, sakaling tama ang mga resulta ng survey, isa itong “wake-up call” at malaking hamon para puspusan pang magsipag sa kanyang panig.

Dagdag pa niya, ito marahil ang naging epekto ng maraming ads ni Roxas.

Read more...