Mga dating pangulo, hindi ipakukulong ni Pang. Duterte
Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na ipakulong si dating Pangulong Benigno Aquino III o ang iba pang mga naging dating pangulo ng bansa.
Ito ay kahit na nahaharap ngayon sa kontrobersiya si Aquino dahil sa isyu ng Dengvaxia, ang anti-Dengue vaccine na hindi raw mabisa na ibinigay ng Department of Health (DOH) sa may 830,000 na bata.
Ayon kay Pangulong Duterte, wala sa kanyang pag-uugali ang maghain ng mga kaso sa mga dating pangulo ng bansa.
Ibinunyag pa ng pangulo na noon pa man ay tumawag na sa kanya ang sikat na TV host na si Kris Aquino para ipakiusap na huwag ipakulong ang kanyang kapatid na si dating Pangulong Aquino.
Ayon sa pangulo, makaasa ang mga naging dating lider na wala sa kanila ang papasok sa kulungan.
Inihalimbawa pa ng pangulo si dating House Speaker Prospero Nograles na makailang beses na siyang kinasuhan subalit hindi siya naghain ng kontra asunto.
Gayunman, sinabi ng pangulo na bagama’t wala siyang balak na gantihan ng kaso si Nograles na papatayin o babarilin na lamang niya ito kapag nagkataon na nagkrus ang kanilang landas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.