Presidential at Vice Presidential debates, kasado na
Plantsado na ang isasagawang presidential at vice presidential debates sa 2016.
Iyan ay makaraang makipagpulong kahapon ang COMELEC sa KBP at mga kinatawan ng iba’t ibang media entities.
Sa press conference, inihayag ni Chairman Andres Bautista magiging pambuong bansa ang coverage ang debate, at ipinapanukala rin nila ito na gawing live at pairalin ang big tent policy.
Ibig sabhin, isang network ang magiging host sa isang debate habang naka-multimedia link-up ang lahat ng istasyon ng TV, radyo, social media at mga pahayagan, pero kung ayaw naman daw ng media network na i-hookup ang debate ay walang pilitan.
Ayon rin kay Bautista, tatlong presidential debate ang gagawin sa tatlong pangunahing rehiyon sa bansa.
Ang unang debate ay gagawin mula February 9 hanggang 22 sa Mindanao; ang ikalawang debate ay sa pagitan ng March 8 at 21 sa Visayas at ang ikatlong debate naman ay gagawin sa pagitan April 12 at April 25 sa Luzon.
Isang debate para naman sa mga kandidato sa pagka-bise presidente na target na gawin sa National Capital Region.
Dagdag pa rito, balak rin ng COMELEC na idaos ang mga nasabing debate sa mga unibersidad.
Nakatakda pa namang pupulungin ng Comelec ang mga media networks sa teknikalidad ng pagsasagawa nito, kung saan pagbubunutan din kung anong debate ang mapupunta sa bawat network.
Nilinaw naman ni Bautista na hindi nila pipilitin ang mga imbitadong kandidato na lumahok sa debate.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.