Anti-dengue vaccination program sa ilalim ng kaniyang administrasyon, idinepensa ni Aquino
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Health at Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine, idinepensa ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang pasya ng kaniyang administrasyon noon na ituloy ang programa.
Sa kanyang opening statement, iginiit ni Aquino na nagkaroon siya ng awareness sa dengue noong 2010 sa pamamagitan ni dating Health Sec. Enrique Ona.
Noong panahon na iyon, binanggit umano sa kaniya na may naitatalang mahigit 200,000 kaso ng dengue sa bansa kada taon at kung tutuusin aabot sa 2.8 milyong kaso kung hindi mapipigilan.
Pinakamalala ang pagtaas ng kaso ng dengue ay sa Region 8.
Aminado si Aquino na nakipagkita siya sa mga opisyal ng Sanofi noong 2015 sa Paris, France at sang-ayon sa Sanofi, handa na ang Dengvaxia para magamit sa bansa.
Kung kaya umaksyon umano ang dating pangulo dahil na rin sa pangangailangan lalo ng mga kabataan na hindi umano niya kayang pagkaitan ng bakuna na available naman na.
Bago ito, nagpatupad din aniya ang dating administrasyon ng mga measure para mapuksa ang lamok na nagiging cause ng dengue tulad ng pagpapakalat ng insecticide treated screens at pamamahagi ng larvaecidal traps habang ipinahinto nila ang indiscriminate fogging.
Paliwanag ni Aquino, sa pagkaintindi niya ay dumaan na sa local at international processes ang Dengvaxia kung kaya safe na itong ibakuna dito sa bansa lalo at nauna na umano itong ginamit sa Mexico at Brazil.
Dagdag pa ni Aquino, noong nagdesisyon sila na gamitin na ang Dengvaxia, wala rin na tumutol o nagpahayag ng pagtutol laban dito.
Patutsada pa ng dating pangulo, malamang ay iba rin ang sasabihin ng mga kritiko ngayon sa kaniya kung hindi niya pinayagan ang pagbakuna ng Dengvaxia kung maraming naitalang namatay dahil sa dengue.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.