Ayon kay Philippine Army 1001st Infantry Brigade Col. Erwin Bernard Neri, hindi bababa sa 60 percent ng nakukuha ng mga komunista ay mula sa mga minahan sa mga bayan ng Monkayo, Maco, Pantukan at Nabunturan sa Compostela Valley na pawang hitik sa ginto.
Maliban pa aniya sa mga small at large-scale mining operators, nangongolekta rin ang New People’s Army (NPA) maging sa mga sari-sari store na nagbabayad ng hindi bababa sa P2 kada araw.
Kinokolektahan rin nila ang mga malalaking taniman ng saging sa Compostela Valley at Davao del Norte, at pati na rin ang mga tumatakbong pulitiko tuwing may eleksyon.
Ayon naman kay Lt. Col. Esteven Ducusin na commander ng 46th Infantry Battalion, nahihirapan silang sundan ang pinagmumulan ng malaking pera na nakukuha ng NPA.
Ito aniya ay dahil na rin sa “intricate mode of payment” o komplikadong sistema ng paniningil ng mga ito.
Bagaman hindi pa nila partikular na matukoy kung anu-anong mga kumpanya o kung sinu-sino ang nagbabayad ng revolutionary taxes sa NPA, mababatid naman na ang mga tumatangging magbigay ay sinasalakay ng mga rebelde at sinisiraan ng mga kagamitan.