Sa kanyang talumpati sa isang benefit dinner para sa Marawi City, sinabi ng pangulo na hindi niya istilo ang maghain ng mga kaso laban sa isang dating presidente ng bansa.
Kahit noon pa man aniya noong siya ay alkalde pa ng Davao City, hindi niya sinampahan ng kaso si Davao City Rep. Prospero Nograles na makailang ulit siyang kinasuhan.
Noon pa man aniya, nabanggit na rin ng pangulo kay Kris Aquino, na kapatid ng dating pangulong Benigno Aquino III na hindi niya gawain na maghain ng mga kaso laban sa mga pulitiko.
Matatandaang ilang grupo ang nagsasabing dapat na may managot sa Dengvaxia vaccine controversy at kabilang dito si dating pangulong Aquino.
Nais rin ng ibang grupo na managot si Aquino sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force sa operasyon laban sa teroristang si Marwan.