Security officials ng Malakanyang, kinumbinse ang mga mambabatas para sa martial law extension sa Mindanao

Kuha ni Ruel Perez

Dumepensa ang mga security official na pawang resource persons sa kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao na mapapaso na sa December 31.

Ayon kay Executive Sec. Salvador Medialdea, kailangan ang martial law extension dahil kailangang makumpleto ng pamahalaan na masugpo ang terorismo sa Mindanao at ito umano ang layon ng extension.

Sinegundahan ito ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa pagsasabing sa loob ng isang taon na extension ng martial law ay target nilang sugpuin ang terorismo at panggugulo ng iba’t ibang grupo.

Giit pa ni Lorenzana, bagaman wala ng combat operations sa Marawi, nagpapatuloy naman ang paghahasik ng gulo at nananatili ang banta ng terorismo sa iba’t ibang lugar sa Mindanao

Binanggit pa ng opisyal ang nagpapatuloy na banta sa Mindanao ng iba’t ibang grupo partikular ang ASG, BIFF, at ang bagong kadedeklarang terrorist group na CPP-NPA.

Samantala, nanindigan si Senior Deputy Exec. Sec. Menardo Guevarra na may sapat na basehan sa konstitusyon ang martial law extension.

Paliwanag ni Guevarra, continuing ang threat ng mga terorista sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao kung kaya justifiable ang pagpapalawig ng martial law at suspensyon ng writ of habeas corpus.

Samantala, sinabi ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na mukhang iniikutan lamang ng palasyo ang batas partikular ang konstitusyon.

Paliwanag ni Atienza, paanong ang extension ay mas mahaba pa sa orihinal na martial law kasabay ang pangamba na kung palalawigin ng isang taon, baka umano wala ng makapigil na pahabain ito ng dalawa, tatlo o apat na taon pa.

Kaugnay nito, duda naman si Sen. Risa Hontiveros kung paanong napasok sa larawan ang NPA na ngayon ay kabilang sa dahilan ng gobyerno sa martial extension.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...