Nagsagawa ng job fair ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ekslusibo lamang para sa mga rider ng app-based transport service na “Angkas” at mga rider ng habal-habal na nawalan ng trabaho.
Ito ay makaraang bawalan sila ng LTFRB na mag-operate dahil walang permiso mula sa ahensya ang kanilang pagbiyahe.
Ang “Angkas” ay kahalintulad ng Uber at Grab na maaring i-hire ng mga pasahero gamit ang mobile app nito pero sa halip na 4-wheeled vehicle ay motorsiklo ang susundo sa commuter.
Maliban sa app-based na Angkas, may mga habal-habal na matagal nang bumibiyahe sa ilang bahagi ng Metro Manila partikular sa Ayala MRT patungo ng Bonifacio Global City sa Taguig.
Sa isinagawang job fair ng LTFRB, limang kumpanya ang lumahok na naghahanap ng maaring mai-hire na empleyado para sa ibayong dagat.
Ayon sa LTFRB, oportunidad ito para sa mga rider na makahanap ng ibang hanapbuhay kaysa ituloy ang kanilang pamamasada gamit ang motorsiklo na hindi naman pinapayagan at walang permiso mula sa ahensya.