Dalawang linggo bago mag-Pasko, patuloy ang paghahanda na ginagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa inaasahang pagdagsa ng pasahero sa mga pantalan.
Kaugnay nito, ilalagay ng PCG ang lahat ng units nito sa heightened alert para sa kanilang “Oplan Biyaheng Ayos: Krismas 2017” program na magsisimula sa December 18 at tatagal hanggang January 8 sa susunod na taon.
Ayon kay PCG Officer-in-Charge Commodore Joel Garcia, nag-isyu na sya ng direktiba sa lahat ng Coast Guard units na maging mapagmatyag sa lahat ng pantalan sa bansa, mga beach, gayundin sa mga coastal at island resorts.
Pinaalalahan nya rin ang mga ito na agarang rumesponde sa panahon ng maritime emergencies.
Base sa marching orders ng Department of Transportation (DOTr), dapat palakasin ng PCG ang pag-inspeksyon nito sa bagahe ng mga pasahero at tiyakin ang maximum monitoring sa lahat ng critical ports.
Sinabi rin ni Garcia na bilang suporta sa anti-drug campaign ng Pangulo, babantayan din ng PCG ang posibleng pagpuslit ng iligal na droga at mga kagamitan na magagamit sa extremist attacks.