Ayon kasi kay Dela Rosa, sinabihan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na itatalaga siya sa isang posisyon sa pamahalaan pagkatapos ng kaniyang nakatakdang pagreretiro sa Enero 2018.
Kwento ni Dela Rosa, sinabi sa kaniya ng pangulo na ilalagak siya sa pinakamahirap na trabaho sa buong pamahalaan.
Bilin kasi ni Duterte sa kaniya, “Where everyone fails, I expect you to succeed,” kaya inaasahan na niyang mabigat ang magiging trabahong ito.
Matagal na aniya itong sinasabi sa kaniya ni Duterte pero makabubuting hindi na muna siya magbigay ng detalye upang hindi naman mapangunahan ang nasabing appointment.
Tiniyak naman ni Dela Rosa na wala siyang hihindian sa mga hamon sa kaniya lalo na kung ang magbibigay sa kaniya nito ay ang taong kaniyang binibigyan ng mataas na respeto.
Dagdag pa ng hepe ng PNP, hindi niya ipapahiya si Duterte sa kung saan man siyang ahensya ilalagak nito.