Kampo ni Sereno, duda sa motibo sa likod ng mga testimonya laban sa kaniya
Duda ang kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa tunay na intensyon ng mga mahistrado ng Supreme Court na tumestigo laban sa kaniya sa pagdinig ng Kamara.
Ayon sa isa sa mga tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Jojo Lacanilao, ang mga isyung binanggit nina Associate Justices Teresita De Castro, Noel Tijam at Francis Jardeleza, pati na ni dating Associate Justice Arturo Brion ay naresolbahan na ng SC.
Giit ni Lacanilao, ang pagbanggit nila sa mga naresolbahan nang isyu ay sumasalamin lang sa tunay na intensyon sa likod ng kanilang mga reklamo.
Inihalimbawa dito ni Lacanilao ang himutok nina De Castro at Tijam sa anila’y mabagal na pag-aksyon ni Sereno sa hiling ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na mailipat ang mga Maute cases sa Metro Manila.
Ipinunto ni Lacanilao na tanging isang liham lang para kay Sereno ang ipinadala ni Aguirre noong May 29 at hindi isang petisyon sa Korte Suprema.
Idinaan kina Court Administrator Jose Midas Marquez at Assistant Court Administrator Theodore Te ang nasabing liham para sa mga rekomendasyon.
Pagsapit aniya ng June 5 ay natanggap na ng lahat ng mahistrado, kabilang na sina Tijam at De Castro, ang liham.
Kinabukasan, June 6 ay nakapaglabas na aniya agad ng resolusyon tungkol dito.
Dagdag pa ni Lacanilao, kung hindi kinonsulta ni Sereno ang en banc tungkol dito tulad ng alegasyon ni Atty. Larry Gadon, bakit wala namang kumwestyon sa inilabas na resolusyon.
Giit pa ng kampo ni Sereno, ang mga akusasyon ni Gadon ay hindi tumutumbas sa isang impeachable offense.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.