PISTON gagamitan ng rubber bullets ni Duterte

Radyo Inquirer

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na bumili ng maraming rubber bullets at ihanda ang mga truncheon o batuta para sa grupong PISTON at iba pang transport group na tutol sa jeepney modernization program ng pamahalaan.

Sa talumpati ng pangulo sa awarding ng Outstanding Child-Friendly Municipalities sa Malacañang, sinabi nito na hindi niya uurngan ang grupo ni PISTON President George San Mateo na ayaw palitan ang mga bulok na jeepney sa kalsada.

Ayon kay Duterte, “Itong PISTON hindi raw sila susunod…tingnan natin. I’m preparing AFP and PNP na bumili sila ng rubber bullets…hihilain ko talaga kayo”.

Giit ng pangulo, wala siyang pakialam kung maging masalimuot ang Pilipinas dahil sa hindi pagtalima ng PISTON sa polisiya ng gobyerno.

Nakadidismaya ayon sa pangulo dahil kapag tinitingnan ang Metro Manila ay hindi maikakaila na matindi na ang polusyon sa hangin dahil sa maitim na buga ng mga tambutso ng mga lumang jeepney.

Oras aniya na igiit ng transport group o ng komunistang grupo ang impunity, ang isasagot ng pangulo ay ginaya niya lamang sila at nangopya lamang siya sa kanila.

“Itong left itong bagong modernization…we are being killed everyday slowly kita mo ang fumes sa Manila sunset”, ayon sa pangulo.

Read more...