Hinimok ng Palasyo ang mga kritiko ng panukalang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao na dumulog sa Korte Suprema at doon magreklamo sakaling aprubahan na ito ng Kongreso.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, malaya ang mga kritiko na idulog na kwestyunin ang hinihiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na extension sa martial law.
Gayunman, ipinaalala ni Roque sa mga ito na dalawang beses nang kinwestyon ang pagpapatupad ng martial law, ngunit parehong kinatigan ng Korte ang posisyon ng Palasyo.
Kumpyansa aniya ang Malacañang na aaprubahan ng parehong kapulungan ng Kongreso ang kahilingan ng pangulo.
Matatandaang umapela si Duterte sa Kongreso na palawigin pa nang isang taon ang martial law sa buong Mindanao dahil sa patuloy na banta ng terorismo at rebelyon sa naturang rehiyon.
Ayon pa kay Roque, nais ng mga pwersa ng gobyerno na tuluyang masupil ang mga terorista at mga komunista sa Mindanao.