Pag-angat ni Mar Roxas sa survey, ikinatuwa ng Palasyo

By Alvin Barcelona, Jay Dones September 21, 2015 - 04:10 PM

 

Inquirer file photo

Natuwa ang Malacañang sa gumagandang resulta ng mga survey para kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas.

Ito ay makaraang umakyat sa 47 ang preference para kay Roxas na mas mataas ng 5 percentage points kumpara sa kaparehong survey noong June.

Ayon kay Secretary Sonny Coloma, ang pagtaas sa dami ng bumanggit ng preference kay Sec. Roxas ay repleksyon ng ibayong pagtitiwala ng mga mamamayan sa dating kalihim.

Sumasalamin aniya ito sa tiwala sa kakayahan ni Roxas na pamunuan ang bansa matapos itong i-endorso ni Pangulong Aquino bilang LP standard bearer.

Lumalabas ngayon sa nasabing survey na nalampasan na ni Roxas si Vice President Jejomar Binay para pumangalawa kay Senador Grace Poe sa hanay ng mga presidentiable.

Samantala, ipinagkibit-balikat lamang naman ni Vice President Jejomar Binay ang resulta ng SWS survey na nagsasabing naunahan na siya ni dating Sec. Roxas.

Paliwanag ng Pangalawang Pangulo, nananatiling ‘fluid’ ang sitwasyon.

Sa kabila nito, naniniwala si Binay na may 35 porsyento pa rin ng mga botante na unang bumoto sa kanya noont 2010 elections ang nananatiling solid niyang taga-suporta at patuloy siyang susuportahan hanggang sa susunod na halalan.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.