Duterte: NPA at bagong terrorist groups dahilan ng martial law extension sa Mindanao
Naibigay na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang liham na humihiling na palawigin pa ang martial law sa Mindanao region at suspensyon sa privilege of writ of habeas corpus mula Enero hanggang Disyembre ng 2018.
Paliwanag ng pangulo, ang Daesh inspired na Da’adaful Islamiyah Waliyatul Mastiq, local at foreign terrorist groups, communist terrorists, at iba pang armadong grupo pati na ang kanilang mga taga-suporta at financiers ang dahilan ng pagpapalawig ng martial law.
Iginiit pa ng pangulo na bagaman napatay na ng militar ang mga lider ng teroristang grupo gaya nina Isnilon Hapilon, Omar at Abdullah Maute, patuloy pa rin ang recruitment ng mga natitirang galamay ng teroristang grupo.
May namomonitor din aniya ang militar na kilos ng Turaife group, na siyang successor umano ni Hapilon at nagbabalak ng mga pambobomba sa Cotabato area.
Partikular na tinukoy ng pangulo ang Central Mindanao lalo na sa Maguindanao, North Cotabato, Sulu at Basilan kung saan aktibo ang galaw ng mga terorista.
Nariyan din aniya ang Bangsamoro Islamic freedom fighters o BIFF at Abu Sayyaf Group na responsable sa mga insidente ngayon ng roadside bombings at IED bombings sa Maguindanao, Cotabato, Basilan, Sulu, Tawi Tawi at Zamboanga Peninsula,
Habang panay din aniya ang pag atake ng New People’s Army.
Ayon sa pangulo, mahalaga ring umusad nang maayos at walang hadlang ang rehabilitasyon sa Marawi City upang maitaguyod ang mas matatag na socio economic growth at pag-unlad.
Ang liham ng pangulo ay may petsa na December 8 at naka-address kina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Aquilino “Koko” Pimentel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.