Sen. Grace Poe, nagpakuha ng kanyang DNA sample

By Ricky Brozas September 21, 2015 - 04:05 PM

Inquirer file photo

Para matukoy kung sino ang mga biological parent ni Senador Grace Poe, mayroong isinagawang DNA testing sa mga kaanak ng posibleng mga tunay na magulang ng senadora.

Ito ang inilahad ni Atty. Alex Poblador, abugado ni Poe, bago matapos ang oral argument ngayong araw na ito sa quo warranto case na inihan ni Rizalito David laban sa senadora.

Ayon kay Poblador, ilalahad nila ang resulta ng DNA testing sa oras na ito ay lumabas.

Bilang tugon,  ipinaliwanag naman ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, chair ng Senate Electoral Tribunal, na kapag nagkaroon ng match sa DNA testing, ito ay ituturing na conclusive presumption sa ilalim ng rules of court.

Nang linawin naman ng media matapos ang oral argument kung ilan ang sumailalim sa DNA testing, naging tikom na ang bibig ni Poblador.

Pero posible umanong sa loob ng dalawang linggo o mas maaga pa ay magkaroon na ng resulta ang DNA testing, at anuman ang detalye nito ay mismong si Poe na umano ang maglalahad.

Dakong alas 2:30 ng hapon nang matapos ang oral argument, at kaugnay nito, inatasan ng SET ang magkabilang partido na magsumite ng memorandum sa loob ng 15 araw.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.