De Lima, hindi na dapat paniwalaan ng publiko – Palasyo
Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na dapat pang paniwalaan ng publiko ang mga sinasabi ni Sen. Leila de Lima dahil mula naman ang mga ito sa aniya’y “polluted source.”
Ayon pa kay Roque, naniniwala silang nagbibigay na lang si De Lima ng kaniyang mga opinyon upang patuloy na mapag-usapan at mapasama sa mga headlines.
“We consider her views as rather pathetic attempts to remain relevant and in the headlines, hence, these should not be taken seriously,” ani Roque.
Inilabas ni Roque ang pahayag na ito matapos igiit ni De Lima noong Sabado na kailangang makialam ng International Criminal Court (ICC) sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao na namamayagpag sa war on drugs ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Roque, ang opinyon ng senadora ay sumasalamin lang sa kakulangan niya ng pag-unawa sa prinsipyo ng complementarity sa International Law.
Ani Roque, hindi na rin ito nakakagulat dahil ang professional experience ni De Lima ay limitado lamang hanggang sa election laws.
Hinimok pa niya ang senadora na ituon na lamang ang pansin sa mga pagsisikap niya para linisin ang kaniyang mga pangalan kaugnay ng mga kasong kriminal na nakabinbin laban sa kaniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.