Kinumpirma ng Task Force Usig ng Philippine National Police (PNP) na naaresto na sa Thailand ang magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at Mario Reyes.
Ang dalawa ay kapwa wanted sa pagpatay sa journalist at environmentalist na si Dr. Gerry Ortega.
Ayon sa source ng Inquirer mula sa Task Force Usig, matagal na silang nakikipag-ugnayan sa mga otoridad sa Bangkok para sa ikadarakip ng dalawa.
Ang Task Force Usig ang ang tracker team na itinalaga para hagilapin ang dalawa na kabilang sa mga high profile fugitives sa bansa.
Ang nasabing impormasyon ay kinumpirma ng asawa ni Ortega na si Patty Ortega. Ayon kay Dr. Patty Ortega naabisuhan na din siya ng mga otoridad hinggil sa pagkakadakip ng dalawa.
Ang magkapatid na Reyes ay umalis sa bansa noong 2012 matapos sampahan ng kasong murder at ng Department of Justice kaugnay sa pagpatay kay Ortega.
Nakatakdang ibalik sa Pilipinas ang magkapatid na agad namang ipiprisinta sa mga mamamahayag.