Teroristang grupo na Daulah Islamiyah, planong atakihin ang isa pang lungsod sa bansa – Andanar
Planong atakihin ng teroristang grupo na ‘Daulah Islamiyah’, na konektado sa Maute at Abu Sayyaf Group, ang panibagong lungsod sa bansa.
Ito ang ibinunyag ni Communications Sec. Martin Andanar batay sa intelligence reports.
Ayon kay Andanar, dahil dito ay mas kailangan na palawigin pa ang umiiral na martial law sa Mindanao batay na rin sa rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines.
Nagpapatuloy aniya ng pagre-recruit ng Daulah Islamiyah group ng mga bagong miyembro.
Lumakas aniya ang isinasagawang pagre-recruit sa Mindanao, at may mga intelligence report na nagpa-plano umano ang nasabing grupo na umatake sa isa pang siyudad.
Hindi naman na idinetalye ni Andanar kung anong lungsod ang planong atakihin ng grupo.
Pero sinabi ni Andanar na sapat na dahilan na ang nasabing intel report para mas paigtingin pa ang seguridad ng bansa.
Binanggit din ni Andanar na bukod sa Daulah Islamiyah, may banta din ng pag-atake sa ilan pang lugar sa Mindanao ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Abu Sayyaf Group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.