SAMPUNG TANONG SA P3.2B DENGVAXIA SCANDAL sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo
Ngayong Lunes, magsisiyasat ang Senate Blue Ribbon at health committee sa nabulgar na P3.5B Dengvaxia vaccination program na ayon kay DOH Sec. Fransisco Duque ay naka-injection na sa katawan ng 830,000 na kabataang Pilipino. Sila’y nasa panganib ng “severe dengue” na maaring mangyari ngayon o hanggang Pasko 2018.
Maraming katanungan ang kailangang sagutin. Una, bakit pumayag ang Pnoy administration na gawing “guinea pig” ang mga grade 4 students sa public schools sa NCR, Dentral Luzon, Calabarzon at Cebu?
Ikalawa, wala sa 2015, 2016 national budget ang P3.5B budget kahit ito ang pinakamalaking “appropriation” ng DOH. Itinago? Pinlano? o para walang kumontra?
Ikatlo, dalawang beses nakipagkita si Pnoy sa mga opisyal ng Sanofi-Pasteur, manufacturer ng Dengvaxia. Una, sa APEC meeting sa Beijing China, November 9,2014 at sa Climate Change summit sa Paris France, December 2, 2015. Makalipas ang 21 days, o December 23, inaprubahan ng DOH-FDA ang lisensya ng bakuna. Nagmadali? Dahil ba sa itinagong pondo sa DBM?
Ikaapat, ang Acting Director General ng FDA noong 2016 ay si Secretary Garin at undersecretary in charge si Dr. Kenneth Hartigan-Go. Bakit si Madam Secretary ang mismong nag-apruba nito? At Bakit nang magretiro si Dr. Go ay nagtatrabaho siya ngayon sa Zuellig Pharmaceuticals na “exclusive distributor” ng Dengvaxia sa bansa? Balik-amo? Conflict of interest?
Ikalima, ang March 9, 2016 purchase order na P3B para sa baking na ibinayad sa Zuellig Pharmaceuticals ay idinaan sa Philippine Children’s Medical Centre (PCMC). “Public bidding” daw ang “mode of procurement” at aprubado ni Chairman Dr. Julius Lucciones, na tinuturo ngayon ni Ms Garin na siyang bumili ng mga bakuna. Turuan na ba? Nagkaroon nga ba ng “bidding”? Ito bang P3B procurement ay meron bang “clearance” sa COMELEC lalo’t 60 days na lang ang presidential elections?
Ikaanim, Marso 17, 2016, nagbabala ang World Health Organization (WHO) na magdudulot ito ng “severe dengue risk” sa mga batang hindi pa nagkaka-dengue. Pero, 18 araw matapos ang babala ng WHO, itinuloy pa rin nina PNoy at ex-DOH secretary Janette Garin ang mass vaccinations noong Abril 4. Nagmamadali? Dahil bayad na?
Ika-pito, sinasabi ni dating DOH undersecretary Teodoro Herbosa, hindi siya naging Chair ng Bid awards committee na nag-apruba sa Dengvaxia. Si Garin daw ang bumili ng bakuna, hindi si dating DOH Sec. Ona o si ex DOH Sec. Paulyn Ubial. Meron bang bidding o wala?
Ika-walo, nang umupo ang Duterte administration sa panahon ni Ex-Sec Ubial, bakit urong-sulong siya sa Dengvaxia? July 18 2016, naglabas siya ng resolusyon na pinapahinto ang bakuna, pero noong September 28, 2016, nag-isyu ng ‘Certificate of Exemption’ na pwede nang ituloy ang pagbabakuna. Bakit? Hindi ba’t nagbabala na ang WHO na may problema ang bakuna?
Ika-siyam, dahil sa “pressure” at desisyon ni Ubial, nabakunahan nitong October-November 2017, ang umano’y 415,681 mga grade 4 students. Nauna rito, 491,990 ang nabakunahan noong April-June 2016. Mas importante ba kay Ubial ang kanyang “confirmation” kaysa kalagayan ng mga kabataan?
At ika-sampu, sino sa mga opisyales na nakapaligid kay Pangulong Duterte ang nagtulak para tuluy-tuloy ang pagbabakuna ng Dengvaxia kahit mapanganib?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.