Pagpapabuti sa kapakanan ng mga manggagawa, tututukan ng DOLE
Mas pag-iibayuhin pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga programa ng kagawaran upang mapaganda pa ang buhay ng mga Filipinong manggagawa.
Ito ang naging sentro ng presentasyon ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III sa selebrasyon ng ika-84 na anibersaryo ng pagkakakatatag ng kagawaran sa Malolos, Bulacan.
Ibinida ng kalihim sa pamamagitan ng isang audio-video presentation (AVP) ang mga nagawa ng kagawaran sa ilalim ng kanyang 18 buwang pamumuno.
Kabilang dito ay ang pinalakas na kampanya kontra iligal na kontraktwalisasyon, mas magandang ‘safety and health regulations’ ng mga trabahador at pinabilis na ‘processing time’ sa mga serbisyo at paglalagay ng ‘feedback mechanism’.
Ipinagmalaki rin ni Bello ang pag-iimprenta at nakatakdang distribusyon ng Overseas Filipino Worker Identification Cards (OFW ID).
Kinilala ng kalihim ang dedikasyon ng mga empleyado ng kagawaran upang masakatuparan ang mga programang ito para sa ikagaganda ng buhay ng mga mangagagawang Filipino.
Iginiit ni Bello na magpapatuloy ang mga programang ito at ang mga isasagawa pang reporma hanggang sa matapos siya sa kanyang termino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.