Nanindigan ang Office of the Vice President na hindi magnanakaw ang close in security ni Vice President Leni Robredo.
Reaksyon ito ng OVP sa ulat na suspek ang isa security personnel nito sa reklamo ng guwardiya sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 na tumangay ng kanyang battery at charger.
Sa salaysay ni Security Officer Girlie Gobaton, naka-charge ang kanyang cellphone battery sa outlet nang makaramdam ito ng tawag ng kalikasan pagbalik niya mula sa comfort room ay wala na ang battery at charger.
Sa CCTV footage ng NAIA Terminal 3, isang lalaking naka-suot ng berdeng barong na kabilang umano sa security escorts ni Robredo na galing sa Cagayan de Oro City ang siyang kumuha ng battery at charger.
Pero ayon sa OVP at base sa pag-aaral nila sa CCTV footage, hindi kinuha ng close-in security ng pangalawang pangulo ang charger at mukhang natabig ito at posibleng nahulog sa kinalalagyan nito.
Una rito, hiniling ni Gobaton sa pamunuan ng Manila International Airport Authority at Office for Transport Security na makipag-ugnayan sa Office of the Vice President para maibalik ang kanyang mga gamit.