Libreng pagpapa-ospital sa mga nabakunahan ng Dengvaxia tiniyak ng DOH
Walang babayaran sa ospital ang sinumang pasyente na magkakasakit kaugnay partikular na ng severe dengue para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.
Ipinaliwanag ni Health Sec. Francisco Duque na aakuin ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang P16,000 sa magiging bill ng isang pasyente samantalang ipababayad naman sa manufacturer ng Dengvaxia na Sanofi Pasteur ang iba pang gastusin ng isang pasyente.
Tiniyak rin ng kalihim na hahabulin ng pamahalaan ang P3.5 Billion na nagastos ng DOH sa pagbili ng kontrobersiyal na bakuna.
Nilinaw rin ni Duque na sakop ng Philhealth ang sinasabing higit sa 800,000 mga nabakunahan gamit ang Dengvaxia.
Sa ngayon ay kinakalap na ng DOH ang lahat ng mga pangalan ng mga nabigyan ng Dengvaxia vaccine kasabay ng kasunod ng kanilang kautusan na itigil ang pamamahagi at pagbebenta nito sa publiko.
Sa Lunes ay nakatakda ring magsagawa ng imbestigasyon sa isyu ang Blue Ribbon Committee ng Senado kung saan ay inaasahan ang face-off sa pagitan ng mga dati at kasalukuhang opisyal ng DOH at ng Sanofi Pasteur.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.