Ang ‘consumer confidence’ ay isang palatandaang pang-ekonomiya na sumusukat sa antas ng pagiging positibo ng mga consumer sa lagay ng ekonomiya ng bansa at sa kanilang personal na sitwasyong pang-pinansyal.
Ayon kay BSP Department of Economic Statistics Director Rosabel Guerrero, lumabas sa 4th Quarter Consumer Expectation Survey (CES) na ang consumer confidence index ay bumaba sa 9.5 percent mula sa 10.2 percent noong third quarter.
Ayon kay Guerrero, nakaapekto ang mga isyung panlipunan partikular ang krisis sa Marawi, isyu ng extra-judicial killings at mga problemang may kinalaman sa iligal na droga.
Sa kabila ng pagbaba, ito pa rin ang ikatlo sa pinakamataas na naitala matapos simulan ang survey ukol sa nasabing paksa noong 2007 sa ilalim ng administrasyong Arroyo.
Naitala ang ‘all time high’ record para sa consumer confidence noong second quarter ng 2016 sa pagpasok ng administrasyong Duterte.
Isinagawa ang survey noong October 2 hanggang October 14 matapos ideklara ang kalayaan ng Marawi mula sa ISIS-inspired Maute Terror group.