Ayon kay Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Edgar Galvante, ang mga plaka na ilalabas nila simula sa Marso sa susunod na taon ay para lamang sa mga bagong registrations mula 2016.
Ang mga bagong sasakyan na narehistro mula 2013 hanggang 2015, maging ang mga lumang sasakyan na nakapagbayad na noon pa ng para sa bagong plaka ay hindi pa rin maiisyuhan ng bagong plate numbers.
Paliwanag ng LTO, hindi pa rin inaalis ang notice of disallowance sa lumang kontrata sa pagitan ng mga taong 2013 hanggang 2015 registrations na inilabas ng Commission on Audit (COA).
Nagkaroon lang aniya ng bagong kontrata ang LTO para kahit paano ay mabawasan ang backlog sa plaka ng mga sasakyan.
Sa ilalim ng bagong kontrata, ang LTO ang siyang bibili ng makina para sa paggawa ng plaka.