Aabot sa mahigit 100 katao ang nahuli ng Parañaque City Police sa ikinasang Anti-Crime Law Enforcement Operations.
Karamihan sa mga naaresto ay mga nahuling nag-iinuman sa kalsada, mga nagsusugal, mga menor de edad na hindi sumunod sa curfew at mga personalidad na mayroon nang standing warrant.
Ayon kay Police Chief insp. Arnold Acosta, kaiba sa mga nauna nilang operasyon, mas kakaunti lamang ang mga nahuli ngayon ng kanilang kapulisan.
Paliwanag ni Rosete, posibleng nadala na ang mga pasaway sa kanilang Lungsod at ayaw nang makulong ng mga walang pambayad ng multa.
Sa kabuuang bilang ng mga naaresto, 53 dito ay mga nag-iinuman sa pampublikong lugar, 5 ang mga walang damit pang itaas, 10 ang nahuling nagsusugal at 5 ang may warrant na may kinalaman sa estafa, physical injury at paglabag sa BP 22.
Samantala, 17 naman na mga motorskilo ang nakumpiska ng Parañaque Police dahil sa kakulangan ng dokumento.
Labinganim na barangay ang sinuyod ng mga otoridad sa kanilang operasyon na nagsimula ng alas-10:00 ng gabi.
P500 naman ang multa ng mga nahuli at sa mga bigong makakapagbayad nito ay makukulong ng 5 araw para sa first offense. Sa second offense naman ay magbabayd sila ng P1,000. At sa third offense ay P2,500 ang multa na ipapataw.