Pag-aresto sa mga lider ng CPP-NPA ipinamamadali na ng DOJ
Hiniling na ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang kanselasyon ng piyansa at pagpapa-aresto sa mga consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal.
Kasunod ito ng Proclamation Number 360 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara ng pagpapatigil ng usapang pangkapayapaan sa NDFP-CPP-NPA at paghiling sa korte na ideklara ito bilang isang teroristang grupo alinsunod sa Human Security Act (Republic Act 9372) dahil patuloy nitong pag-atake sa pwersa ng gobyerno at mga sibilyan.
Kabilang sa mga consultant ng ndf na pinalaya sa bisa ng piyansa sina CPP-NPA leader Benito at Wilma Tiamzon na may kinakaharap na kasong multiple murder at kidnapping sa Maynila at Quezon City.
Una nang sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na ipinag-utos na niya sa Prosecutor General na maghain ng petisyon sa korte para maideklara nang terrorist group ang CPP-NPA-NDF.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.